Black sand mining sa Cagayan sinusuyod

Humiling ng agarang imbestigasyon sa Kongreso ang isang advocacy group ng mga kabataan kaugnay sa black sand mining na pag-aari ng mga Chinese national sa Cagayan.

Sa isang press statement, sinabi ng Atin Ang Pinas na ang black sand mining sa Cagayan ay umuubos ng mga likas na yaman ng Pilipinas at sumisira sa tirahan ng mga hayop sa dagat na lubhang nakaapekto sa ikinabubuhay ng libo-libong mangingisdang Pinoy.

“Tila nagbubulag-bulagan ang ating gobyerno sa ginagawang pagsira sa ating kalikasan at hinahayaan ang mga Tsinong kompanya na magsagawa ng black sand mining sa ating katubigan.”

Naiulat kamakailan na noong Setyembre 8, naiyak ang isang mangi­ngisdang Pinoy na si RJ Pacubas nang banggain ng Endeavour 1, isang barko na may mga Tsinong tauhan, ang kanyang fishing net sa Cagayan.

Ang mga Tsinong barko ay nasa Cagayan para umano sa large-scale dredging para sa rehabilitasyon ng Cagayan River bilang paghahanda sa pagbubukas ng isang daungan sa Aparri.

Pero naghihinala ang mga residente at mangi­ngisda sa Aparri na ang dredging operation ay hindi lang rehabilitas­yon ng ilog kundi isa ring black sand mining operation.

Kaya nanawagan ang Atin Ang Pinas sa gobyernong Duterte, DENR, at mga mambabatas na madaliin ang pag-aksiyon para malaman ang ginagawa ng mga dayuhang barko sa Cagayan. (Vick ­Aquino)

The post Black sand mining sa Cagayan sinusuyod first appeared on Abante Tonite.

Post a Comment

0 Comments