Sara kumampi kay Marcos Jr.

Kinumpirma ni Davao City Mayor Sara Duterte Carpio na mayroong alyansa ang kanyang partidong Lakas-Christian Muslim Democrats (Lakas-CMD) at Partido Federal ng Pilipinas (PFP) ng presidential aspirant na si dating Sen. Ferdinand Marcos Jr.

Ang pagkumpirma ay sinabi ni Carpio, vice presidential candidate ng Lakas-CMD, sa isang video na ipinadala sa media at ipinost sa kanyang social media account.

“Ang aking partido ay nakipag-alyansa at humingi ng suporta para kay Bongbong Marcos at para sa akin matapos kong tanggapin ang inyong hamon at panawagan,” sabi ni Carpio.

Isa umano ang PDP-Laban sa hiningian ng suporta ng alyansa pero tumanggi umano ito.

“Tinanggihan ito ng PDP at naiintindihan natin ito. Pero gusto ko lamang na linawin — walang pangalan na sinisira o dinudungisan, walang sinasagasaan, walang inaagrabyado, inaaway, pinapaiyak o inaapi,” dagdag pa ni Carpio.

Sinabi ni Carpio na nagsisimula pa lamang ang mahaba at mahirap na laban “pero kampante ako na sasamahan at tutulungan ninyo ako hanggang sa dulo — hanggang maipanalo natin ito para sa ating mahal na bayan at mga kapwa Pilipino.”

Ang nag-uumapaw na suporta umano ang nagbibigay kay Carpio ng tibay, lakas ng loob at inspirasyon. (Billy Begas)

The post Sara kumampi kay Marcos Jr. first appeared on Abante Tonite.

Post a Comment

0 Comments