Mahigit dalawang kilo ng pinaniniwalaang shabu na nagkakahalaga ng P13.6 milyon ang nakumpiska mula umano sa isang tricycle driver matapos ang isinagawang buy-bust operation ng pulisya, Biyernes sa Malolos City, Bulacan.
Kinilala ni P/B Gen. Matthew Baccay, Central Luzon Regional Director, ang suspek na si Abubakar Sandigan alyas Kapatid, 31, residente ng Brgy. 311, Quiapo, Manila. Habang nakatakas naman ang isa pa nitong kasama na nakilala lamang na alyas Ali.
Ayon kay Baccay, nagsagawa ng buy-bust ang Station Drug Enforcement Unit ng Malolos City Police laban sa mga suspek ala-1:35 kahapon ng madaling-araw sa Barangay Tikay ng nabatid na lungsod.
Gamit ang P50,000 boodle money na tig-P1,000 at isang orihinal na P1,000 ay nakipagtransaksiyon ang isang police poseur buyer sa mga suspek at bumili ng shabu sa mga ito.
Matapos magkapalitan ng pera at ilegal na droga ay saka inihudyat ang pagdakip sa dalawa, subalit nakatunog si Ali na agad pinaharurot ang kanyang motorsiklo dahilan upang makatakas siya habang nadakip naman si Sandigan.
Dinala ang nakumpiskang ilegal na droga sa Bulacan Provincial Crime Laboratory Office para sa drug test at laboratory examination habang ang suspek ay nakakulong ngayon sa Malolos City Police Station habang inihahanda ang kaukulang kaso laban dito. (Edwin Balasa)
The post Trike driver laglag sa P14M ‘bato’ first appeared on Abante Tonite.
0 Comments