11-anyos tutok sa gagamba, nabundol

Dedbol ang isang batang lalaki nang mabangga ng isang van habang tumatawid sa isang lugar upang manguha umano ng gagamba sa Tanza, Cavite, Huwebes.

Isinugod pa sa Gen. Emilio Aguinaldo Hospital ang biktimang si alyas Sam, 11-anyos, residente ng Brgy. Paradahan 2, Tanza pero namatay din habang ginagamot.

Samantala, ang nakasagasang driver ng isang van (NAT 4136) na si Loreto Yacat Jr., 38, ng Brgy. Inocencio, Trece Martires City ang mismong nagdala sa biktima sa ospital.

Sa ulat ni P/SSg. Francis Mark Cortez ng Tanza Police Station, alas-10:30 kamakalawa ng umaga nang maganap ang insidente kung saan binabagtas ng driver ang kahabaan ng Tanza-Trece Road sakop ng Brgy. Paradahan 2 patungo sa direksiyon ng Tanza proper nang aksidenteng mabangga niya ang batang biktima na tumatawid sa nasabing kalsada.

Ayon kay Cortez, mangunguha sana ng gagamba ang biktima kabilang ang dalawa niyang kabarkada kaya tatawid sila ng kalsada, subalit tanging si Sam ang tumuloy na tumawid na nagresulta sa kanyang pagkakabundol. (Gene Adsuara)

The post 11-anyos tutok sa gagamba, nabundol first appeared on Abante Tonite.

Post a Comment

0 Comments