Utol, hipag binoga sa yosi

Sugatan ang isang mag-live in sa Tanza, Cavite Huwebes ng gabi dahil lamang pinagkaitan ang suspek ng pambili ng sigarilyo.

Ginagamot sa Divine Grace Medical Center ang biktimang si Ferdinand Torres, 25 at ang live-in partner niyang si Camille Delos Reyes, 23, kapwa residente ng Brgy. Poblacion 3, Tanza dahil sa tinamong tama ng bala sa kanilang katawan.

Arestado naman sa isinagawang follow-up operation ang suspek at nakababatang kapatid ng biktima na si Mark Anthony Torres, 24.

Sa ulat ni P/SSg. Francis Mark Cortez ng Tanza Police Station, alas-9:30 kamakalawa ng gabi nang mag-inuman ang magkapatid na Torres sa loob ng kanilang bahay at sa kalagitnaan ng kanilang inuman ay napikon ang nakababata nang hindi binigyan ng kuya ng pambili ng yosi.

Sa galit, kinuha ni Mark ang isang kalibre .38 na baril na nakatago sa kanilang bahay at ipinutok kay Ferdinand.

Nabatid na nang nakita ni Camille ang pag-umang ng baril ng suspek ay tinangka niyang umawat kaya ang nauna ang mas napuruhan ng tama at sumasailalim na siya ngayon sa operasyon.

Narekober naman mula sa suspek ang baril na ginamit sa insidente. (Gene Adsuara)

The post Utol, hipag binoga sa yosi first appeared on Abante Tonite.

Post a Comment

0 Comments