5 pampabyuting imported cream delikado – FDA

Naglabas ng mga abiso ang Food and Drug Administration (FDA) para bigyan ng babala ang publiko laban sa pagbili at paggamit ng limang brand ng imported beauty cream na ibinebenta sa bansa kahit walang pahintulot ng ahensiya.

Base sa anunsiyo ng FDA sa kanilang website, ibinabala ang pagbili at paggamit ng Parley Goldie Advanced Beauty Cream, Safora Beauty Cream, Morning Face Beauty Cream, AQME Beauty Cream at Golden Pearl Beauty Cream.

Pinagsabihan din ng ahensiya ang mga establisimiyento na huwag magbebenta ng mga nabanggit na beauty creams.

Ayon sa FDA, galing Pakistan ang mga produkto at napag-alaman nilang pinapatalastas sa dalawang popular na shopping site sa Pilipinas.

Sa panig naman ng EcoWaste Coalition, sinabi ng grupo na ang mga naturang produkto ay may mataas na mercury content at delikadong gamitin.

Ayon sa Ecowaste, mataas ang mercury content ng mga nasabing beauty cream na lampas sa itinakda sa ilalim ng ASEAN Cosmetic Directive at ng Minamata Convention on Mercury.

Pinuri rin ng Ecowaste ang paglalabas ng babala ng FDA subalit marami pa umanong kinakailangang gawin para mapigilan ang pagpasok ng mga ganitong produkto sa bansa na naglipana sa mga online shopping platform. (Juliet de Loza-Cudia/Mark Joven Delantar)

The post 5 pampabyuting imported cream delikado – FDA first appeared on Abante Tonite.

Post a Comment

0 Comments