Chinese gang bistado sa trabaho scam

Masuwerteng natakasan ng isang Malaysian national ang dalawang Chinese at isang Pinoy na dumukot umano sa kanya sa harap ng isang kilalang hotel sa Pasay City, at nagdala sa kanya sa Quezon City nitong Sabado ng hapon.

Ang biktima ay nakilalang si Victor Mak, 29, binata, at residente ng Avida Towers sa BGC, Taguig City.

Habang ang mga hindi pa natukoy na mga suspek ay sinasabing dalawang Chinese national at isang Pilipino, at pawang sakay ng puting Toyota Alphard.

Sa report ng Kamuning Police Station ng Quezon City Police District (QCPD), bandang alas-5:30 kamakalawa ng hapon nang kidnapin ang biktima sa harap ng Hilton Hotel sa Pasay City.

Batay sa imbestigasyon ni P/SSg. Bryan Busto, naghahanap umano ng trabaho sa Chinese group ang biktima sa pamamagitan ng Telegram messaging app.

Agad naman siyang inalok ng posisyon sa isang Chinese company at nitong Disyembre 4 ay nakipagkita si Mak sa mga suspek sa harap ng Hilton Hotel.

Habang nag-uusap ay nagulat na lamang aniya ang biktima nang puwer­sahan siyang isakay ng mga suspek sa Toyota Alphard hanggang mapansin ng biktima na huminto sila sa harap ng WIL Tower sa Eugenio Lopez Drive, Brgy. South Triangle, Quezon City.

Doon ay pinagbantaan ang biktima at sinabi aniya ng mga suspek ang katagang, “Give us P500 and we will set you free.”

Pero nang hindi makapagbigay ang biktima ay inilipat siya sa HiAce Van at pinagtulungang bugbugin ng mga suspek sa loob ng sasakyan.

Nang makatiyempo ay nagtatakbo ang biktima at humingi ng saklolo sa mga taong nagdaraan sa Wil Tower at eksakto namang may nagdaraang police patrol na namataan ang komosyon.

Agad namang tumakas ang mga suspek nang makita ang paparating na mga pulis.

Patuloy pang nagsasagawa ng masusing imbestigasyon ang mga awtoridad upang makilala ang Chinese gang na dumukot sa biktima. (Dolly Cabreza)

The post Chinese gang bistado sa trabaho scam first appeared on Abante Tonite.

Post a Comment

0 Comments