Himas-rehas ngayon ang tatlong binata makaraang ireklamo ng limang dalaga na kanilang sinipulan at sinundan sa Barangay Apolonio Samson, Quezon City nitong Linggo ng madaling-araw.
Ang mga biktima ay edad 19, 21, 22, 23 at 24 at pawang mga residente ng Quezon City.
Agad namang naaresto ang mga suspek na sina Denmark Pasig, 27, binata, gasoline crew; Jeson Rebosquillo, 26, binata; at Fernando Abais JR., 44, walang asawa, private employee at residente rin sa nasabing lungsod.
Sa report ng Laloma Police Station (PS-1) ng Quezon City Police District (QCPD), bandang alas-2:30 kahapon ng madaling-araw nang maganap ang insidente sa nasabing barangay.
Batay sa imbestigasyon ni P/Cpl. Jo-ann Paaz ng Women and Children Protection Desk ng PS-1, naglalakad ang mga biktima sa nasabing lugar nang masalubong ang mga suspek na pawang lasing at makailang beses silang sinipulan.
Hindi pa nasiyahan ay sinundan pa umano ng mga suspek ang mga biktima hanggang makauwi ang mga ito sa kanilang tahanan.
Dahil dito, nagsumbong ang mga dalaga sa kanilang mga opisyal ng barangay at nang magresponde ang tatlong tanod ay naabutan pa ang mga suspek at agad dinakip.
Nakapiit na ang mga lalaki habang inihahanda ang kasong paglabag sa RA 11313 (Safe Space Act/Anti-Bastos Law) laban sa kanila. (Dolly Cabreza)
The post 3 senglot tiklo sa pagsipol first appeared on Abante Tonite.
0 Comments