Inaprubahan ng Kamara de Representantes sa ikatlo at huling pagbasa ang panukala na mag-aamiyenda sa Revised Penal Code (RPC) upang makulong nang mas matagal ang mga halang ang bituka.
Ang House Bill 4553 ay naipasa sa botong 167 pabor at pitong tutol.
Layunin ng panukala na amiyendahan ang Article 70 ng Revised Penal Code (Republic Act 3815) kung saan nakasaad na maaaring makulong ang isang hinatulan ng hanggang 40 taon lamang.
Sa kanyang sponsorship speech nang isalang ang panukala sa deliberasyon ng komite noong nakaraang linggo, sinabi ni House Committee on Justice chair Vicente Veloso III na mistulang nagdudulot ng kawalang-hustisya ang probisyon ng batas sa mga biktima at kanilang kaanak.
Ipinaliwanag ni Velasco na ang isang rapist na nanggahasa ng 50 babae ay mahahatulan nang 1,500 taong pagkakakulong habang ang isang rapist na may dalawang biktima ay hanggang 60 taong pagkakakulong.
Pero dahil sa Article 70 ng RPC, ang dalawang rapist ay makukulong lang aniya nang hanggang 40 taon. (Billy Begas)
The post Mas mahabang kulong sa mga halang ang bituka, aprub first appeared on Abante Tonite.
0 Comments