P321B utang ng mga pasaway na employer sa SSS

Halos isang bilyong employer ang delingkwente sa pagre-remit ng premium ng kanilang mga tauhan sa Social Security System (SSS) at umaabot na ito sa P321.5 bilyon hanggang noong Disyembre 31, 2020.

Ayon sa 2020 Annual Report ng SSS na ginawa ng Commission on Audit (COA), nasa P128.2 bilyon lamang ang principal na hindi ini-remit ngunit ang kaukulang multa ay umaabot na sa P193.3 bilyon at may damages pa na P38.2 milyong masisingil ang SSS sa 926,899 employer.

Apektado ang mga miyembrong ang employer ay hindi magre-remit dahil hindi nila makukuha ang mga benepisyo at mahihirapan silang makautang kung hindi natatanggap ng SSS ang kanilang mga kontribusyon.

Nagpatupad ang SSS ng Condonation Penalty Contribution Program nung 2019 para mahikayat ang mga employer na bayaran ang mga contribution ng kanilang mga tauhan at i-remit ito sa SSS at i-update ang kanilang mga record sa ahensiya.

Sa anim na buwan na ipinatupad ito, 112,043 employer ang pinadalhan ng assessment ng SSS ngunit 55,750 lamang ang nagbayad.

Ayon sa SSS, nasa 671,841 employer ang mahigit limang taon nang delingkwente at ang principal nila ay umaabot na sa P113.9 bilyon na ang multa ay nasa P186.7 bilyon na. (Eileen Mencias)

The post P321B utang ng mga pasaway na employer sa SSS first appeared on Abante Tonite.

Post a Comment

0 Comments