Labinlimang ilegal na minero ang naaresto ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) habang nasabat ang kanilang mga quarrying equipment sa Taal Volcano protected area.
Matapos maipanalo ang kaso laban sa illegal miners na nagsasagawa ng operasyon sa Taal Volcano Protected Area Landscape noong Oktubre, muling nakaaresto ang DENR, sa pamamagitan ng Environmental Law Enforcement and Protection Service (ELEPS), ng panibagong grupo na gumagawa ng illegal quarrying operations sa parehas na lugar noong Nobyembre 24.
Nasa 15 illegal miner na naaresto ng ELEPS ang nahaharap sa mga kasong paglabag sa Expanded National Integrated Protected Area Systems Act, Philippine Mining Act, Revised Forestry Reform Code of the Philippines, at Clean Water Act.
Nakumpiska sa operasyon ang tatlong backhoe, dalawang screener na ginagamit sa paghihiwalay ng liberated at extracted sand at gravel materials, at truck na may kargang 127 board feet ng troso at 122.83 board feet ng tabla.
Nadiskubre rin na ginagamit ang lugar bilang firing range, kung saan nakita ang ilang slugs ng bala ng baril. (Riz Dominguez)
The post 15 ilegal na minero nabuko sa Taal first appeared on Abante Tonite.
0 Comments