COVID positive tumalon sa ospital

Patay ang isang lalaking positibo sa CO­VID-19 matapos niyang tumalon sa bintana ng ospital kung saan siya naka-admit at naka-isolate nitong Lunes sa Bacolod City.

Hindi naman inilabas ng pulisya ang pangalan ng biktima sa pakiusap na rin ng mga kaanak nito pero kinumpirma ni Medical Center Chief II Dr. Julius Drilon na isang 68-anyos na pasyente ang tumalon sa ikalimang palapag ng ospital sa West Tower ng ospital.

Na-admit para sa isolation ang biktima sa Corazon Locsin Montelibano Memorial Regional Hospital (CLMMRH) nitong Enero 21 dahil sa nagpositibo ito sa RT-PCR test.

Napag-alaman na dalawa silang COVID-19-positive sa isang kuwarto subalit nitong Lunes ay nakalabas na sa pagamutan ang kasama sa kuwarto ng biktima dahil negatibo na ito sa nasabing sakit.

Lunes ng hapon nang makarinig ng malakas na lagabog ang mga staff at nurse ng pagamutan at nang kanilang tingnan ay bumungad sa kanila ang katawan ng pasyente sa tuktok ng bubong ng isang water treatment facility.

Kuwento ni Drilon, wala naman umanong napansin ang mga nakabantay na staff sa pasyente, at binigyan pa nga ito ng gamot 10 minuto bago maganap ang insidente.

Sinubukan pang isalba ang buhay ng biktima subalit wala nang nagawa ang mga doktor dahil sa grabeng pinsalang inabot niya sa pagtalon mula sa kanyang kuwarto.

Samantala, may inilunsad na hotline para sa mga Pinoy na may tanong tungkol sa mental health, kailangan ng counseling, may kinahaharap na suliranin o nanganganib mag-suicide.

Maaaring tawagan ang National Center for Mental Health 24/7 crisis hotlines sa cellphone (0917-899-8727 o 0908-639-2672) o telepono (1553). (Edwin Balasa/Ray Mark Patriarca)

The post COVID positive tumalon sa ospital first appeared on Abante Tonite.

Post a Comment

0 Comments