Party-list exec kontra droga, buking sa P1M shabu

Pinosasan ng National Bureau of Investigation (NBI) ang isang opisyal ng party-list na People’s Volunteer Against Illegal Drugs (PVAID) matapos makuhanan umano ito ng kalahating kilo ng shabu na nagkakahalaga ng P1 milyon sa isang operasyon ng ahensiya sa Dasmariñas, Cavite.

Sa ulat ng ‘TV Patrol,’ inaresto ng mga tauhan ng NBI-Task Force Against Illegal Drugs (TFAID) si Jerklie Abdulkarim, regional director ng PVAID Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao, at umano’y mastermind ng grupo na nakuhanan ng ilegal na droga.

Ayon kay NBI-TFAID Chief Jonathan Galicia, bukod kay Abdulkarim ay dalawang kasabwat pa nito ang nadakip sa buy-bust operation.

Kadalasang gumagamit din umano ng mga menor de edad ang suspek na siyang nagsisilbing drug courier, saad pa sa ulat.

Ginagamit din umano ng organisasyon ang kanilang posisyon para hindi mabaling ang atensiyon sa kanila.

“They’re using an organization that is supposed to be fighting illegal drugs and this guy is doing the opposite. When these people get elected mas powerful, mas connected, mahihirapan to catch these people,” wika ni Galicia sa isang panayam.

Samantala, mariing pinabulaanan ni Abdulkarim na sangkot siya sa krimen na may kaugnayan sa ilegal na droga at tinanggi rin niyang may drug courier silang tinedyer.

Habang kinondena naman ni retired Col. Rodrigo Bonifacio, PVAID first nominee, ang pagkakasangkot ni Abdulkarim sa droga at pinuri ang NBI sa pagkaaresto sa kanilang regional director.

Wala umanong kinalaman ang PVAID sa ginagawa ni Abdulkarim at magsasagawa umano sila ng sariling imbestigasyon hinggil sa insidente. (Edwin Balasa/Ray Mark Patriarca)

The post Party-list exec kontra droga, buking sa P1M shabu first appeared on Abante Tonite.

Post a Comment

0 Comments