Arestado ang isang ginang na nagbebenta ng mga pekeng COVID-19 vaccination card ng Quezon City at Parañaque sa halagang P15,000 sa kanyang tahanan sa Quezon City, Miyerkoles ng hapon.
Ang suspek ay nakilalang si Huwela Gabrido, residente ng Brgy. E. Rodriguez, Cubao, QC.
Sa report ng Cubao Police Station (PS-7) ng Quezon City Police District, bandang alas-4:30 ng hapon, kamakalawa, nang mahuli ang suspek sa kanyang tahanan sa nasabing barangay.
Ayon kay P/SSg. Alexander Eslava ng PS-7, nakatanggap umano sila ng impormasyon na nagbebenta ng pekeng vaccination card ang suspek.
Dahil dito ay agad nagkasa ng operasyon ang mga operatiba ng Police Community Precincts (PCP 1) sa pangunguna ni P/Lt. Ryerson Jeffrey Velarde at naaresto ang suspek.
Nasamsam mula umano sa suspek ang mga pekeng vax card ng QC at Parañaque, at notebook o logbook record.
Inihahanda na ang kasong paglabag sa falsification of public documents (fake vaccination card) in relation to RA 11525 o COVID-19 Vaccination Program Act of 2021 laban sa suspek. (Dolly Cabreza)
The post Pekeng QC, Parañaque bakuna card binebenta ng P15K first appeared on Abante Tonite.
0 Comments