Sinampahan na nitong Huwebes ng mga kasong Robbery with Violence and Intimidation sa Angeles City Prosecutor’s Office ang walong pulis at tatlong iba pa hinggil sa ginawa nilang pagpasok sa bahay at panlilimas sa pera at kagamitan ng mga Chinese national na nakatira rito.
Ayon sa Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), alas-9:00 ng umaga, sinampahan ng kaso sina Police Major Ferdinand Mendoza, team leader ng grupo; P/Ssg. Mark Anthony Iral; P/Ssg. Sanny Ric Alicante; P/Cpl. Richmond Francia; P/Cpl John Gervic Fajardo; P/Cpl. Kenneth Rheiner Delfin; Pat. Leandro Mangale; at Pat. Hermogines Rosario Jr., pawang nakadestino sa CIDG-anti-organized crime unit.
Kasama ring kinasuhan ang dalawang Chinese national na sina Tian Renjuan at Lin Bo Yu, gayundin ang Pinoy na si Alvin Ng, bilang mga kasabwat ng mga nasabing pulis.
Matatandaang kamakalawa ng madaling-araw, dinakip ng CIDG Regional Force Unit ang walong pulis nang salakayin ng mga ito ang bahay ng pitong Chinese at limasin ang gamit at pera ng mga ito sa Missael St., Diamond Subdivision, Brgy. Balibago, Angeles City.
Nasagip ng pulisya ang pitong Chinese na nakatira rito at isang Pinoy na kasambahay na kinulong ng mga suspek sa isang kuwarto. (Edwin Balasa)
The post 8 pulis kinasuhan sa hulidap first appeared on Abante Tonite.
0 Comments