3 tirador ng SUV ni Gerald bistado sa cash transfer

Nahuli na ng Nationa­l Bureau of Investigation (NBI) ang tatlong lalaki na sumalisi nang halos isang milyong pisong cash ni Gerald Anderson sa pamamagitan ng umano’y pagwasak sa windshield ng kotse ng aktor sa isang gym sa Quezon City.

Tinukoy ng NBI-Special Action Unit ang mga suspek na sina John Allen Dancel, John Louie Rosario, Isagani dela Cruz.

Saad ng NBI, na-locate nila ang mga suspek matapos gamitin ng isang suspek ang laptop ni Anderson para mai­lipat ang P50,000 mula sa Coins.PH account ng aktor patungo sa GCash account niya.

Inamin ng suspek sa NBI na inutusan siya ng mga kasamahan na “linisin” ang laman ng laptop ni Anderson. Binayaran umano siya nang P500 para i-hack ang laptop.

Sumuko na rin sa NBI ang dalawa pang suspek kalaunan.

Magugunitang nakaparada ang kotse ni Anderson sa pintuan ng kanyang gym sa Roces Avenue nang basagin ng mga suspek ang SUV ng aktor gamit ang flat wire at kinuha ang kanyang duffle bag na naglalaman ng mamahaling mga relo, laptop, ilang cash at ID, kabilang ang kanyang vaccination card. (Nancy Carvajal)

The post 3 tirador ng SUV ni Gerald bistado sa cash transfer first appeared on Abante Tonite.

Post a Comment

0 Comments