Lider ng sindikato niratrat sa dagat

Wala nang buhay nang matagpuan ng isang mangingisda ang sinasabing lider ng isang sindikato ng ilegal na droga makaraang makipagbarilan umano sa mga pulis na aaresto sa kanya sa Navotas City, Linggo ng umaga.

Kinilala ang suspek na si Rodolfo Legazpi alyas Ato, 40-anyos, umano’y lider ng Legazpi Drug Group, nakatira sa B. Cruz St., Brgy. Tangos ng nasabing lungsod.

Sa ulat ni P/Lt. Luis Rufus Jr., head ng Station Drug Enforcement Unit, bandang alas-8:30 ng umaga, kasama ang mga tauhan ng Intelligence Section at Warrant and Subpoena Section, nagtungo sila sa bahay ni Legazpi para arestuhin ito dala ang warrant of arrest.

Nabatid na may pending case ang suspek sa kasong illegal drugs at nalaman mula sa impormante na nakita siyang lumutang sa lugar nito.

Pero hindi pa man nakakalapit ang mga pulis sa bahay ng suspek ay sinalubong na umano sila ng putok ng baril kaya namaril din ang awtoridad.

Nasukol at wala nang pagtataguan, tumalon sa dagat si Legazpi at parang eksena sa pelikula, pinagbabaril siya ng mga pulis kahit nasa ilalim na siya ng tubig.

Hanggang alas-10:00 ng umaga ay naghintay ang mga pulis na lumutang sa dagat ang katawan ng suspek pero hindi nangyari iyon kaya naman nagsialisan na sila.

Dakong alas-2:00 naman ng hapon lumutang ang bangkay ni Legazpi sa Seashore sa Tanza Pabahay, Brgy. Tanza 2, Navotas City at nakita siya ng mangingisdang si Charlie Puasa, 19, na kaagad namang ipinagbigay-alam sa mga pulis ang nabatid.

May mga tama ng bala sa katawan ang bangkay. (Orly Barcala)

The post Lider ng sindikato niratrat sa dagat first appeared on Abante Tonite.

Post a Comment

0 Comments