Dating OFW napikon, binoga pamangkin

Napatay ng awtoridad ang isang dating Overseas Filipino Worker (OFW) matapos na una itong makapamaril at mag-amok sa bahay nito sa San Pascual, Batangas noong Huwebes.

Kinilala ang suspek na si Simeon Rosales, 62, residente ng Barangay Resplandor.

Batay sa report ng pulisya, unang binaril ni Rosales ang kanyang pamangkin na si Mario Baculi, 59, isang tricycle driver sa kanilang terminal sa Brgy. Gelerang Kawayan.

Sa kuha ng CCTV, bumaba ng kotse si Rosales at malapitang binaril ang biktima na agad namatay. Muli siyang sumakay ng kotse, umuwi sa bahay at doon nagkulong.

Agad rumesponde ang mga pulis at pinapasuko si Rosales subalit nagbanta itong babarilin ang sinumang lalapit at papasok sa bahay, kahit ang kanyang pamilya.

Armado umano ang suspek ng tatlong klase ng baril at ang isa ay M16 rifle.

Halos walong oras tumagal ang standoff hanggang nagpasiya na ang mga awtoridad na pasukin ang bahay matapos tumanggi sa negosasyon ang suspek.

Nauwi ito sa umano’y panlalaban ng suspek na siya niyang ikinamatay matapos paputukan ng mga awtoridad.

Si Rosales ay dating­ OFW, nagkaroon ng maayos na buhay ngunit sinasabing nalulong sa casino at nagkaroon ng depresyon na itinuturong dahilan ng pag-aamok nito.

Binaril umano niya ang biktimang si Baculi dahil sa pang-aasar nito at pagsumbat sa kanyang mga ginagawa. (Ronilo Dagos)

The post Dating OFW napikon, binoga pamangkin first appeared on Abante Tonite.

Post a Comment

0 Comments