1 pang hinoldap ng pulis lumitaw

Isa pang biktima ng holdaper na pulis sa Laguna ang lumutang sa himpilan ng pulisya sa bayan ng Famy at nakatakdang magsampa ng kaso laban sa suspek.

Si John Nazzer Bagolbagol, may-ari ng isang tindahan, ay nagtungo sa Famy police station matapos na mamukhaan niya ang pulis na si Patrolman Glenn Angoluan siyang nagholdap sa kanilang tindahan noong Pebrero 7, 2022.

Si Angoluan, na nakatalaga sa 2nd Provincial Mobile Force Company ng Laguna PNP, ay naaresto noong Miyerkoles nang mada­ling-araw sa checkpoint sa bayan ng Pagsanjan kaugnay sa inilabas na alarma ng pulisya sa isang robbery holdup incident na nangyari sa Unioil gasoline station sa Santiago, Sto. Tomas, Batangas.

Nasita ito ng mga awtoridad sa checkpoint sa national highway sa Brgy. San Isidro, Pagsanjan, dakong alas-2:30 ng madaling-araw habang sakay sa isang walang plakang motorsiklo matapos na tumugma siya sa deskripsiyon ng suspek sa naganap na holdap.

Nang makita ni Bagolbagol ang larawan ni Angoluan sa Facebook matapos nitong madakip ay positibo niya itong kinilala na siyang nangholdap sa kanilang KOMERCA Store noong Pebrero 7 ng gabi.

Magsasarado na aniya sila ng tindahan nang pumasok ang suspek na nakasuot ng hoodie jacket at tinutukan siya ng baril. Natangay ng suspek ang nasa P8,000 kita ng tindahan. (Ronilo Dagos)

The post 1 pang hinoldap ng pulis lumitaw first appeared on Abante Tonite.

Post a Comment

0 Comments