Ex-pulis laglag sa shabu, bala

Patong-patong na kasong kriminal ang kinakaharap ngayon ng isang dating pulis-Bulacan makaraang masita sa police checkpoint dahil walang suot na helmet, pumalag sa police officers, at makuhanan ng patalim, bala at shabu sa Pandi, Bulacan Sabado ng hapon.

Ayon sa Bulacan PNP, ang naarestong suspek ay si Roberto Estrella, dating pulis, na nakatalaga sa bayan ng Guiguinto at residente ng Brgy. Siling Bata, Pandi na nakakulong ngayon bunga ng mga kasong kriminal na nakatakdang isampa laban sa kanya at kaagad ding ipasailalim sa drug test sa Bulacan Provincial Forensic Office sa Malolos City.

Nabatid na alas-2:00 ng hapon, nadakip ang suspek matapos itong pahintuin sa police checkpoint sa Brgy. Siling-Bata habang lulan ng kanyang motorsiklo dahil sa traffic violation na hindi pagsusuot ng helmet o Motorcycle Helmet Act of 2009 ngunit pumalag at nanlaban umano siya sa mga pulis kaya dinakip.

Kaagad sinuri ng Pandi Police ang compartment ng motorsiklo ng suspek at dito nakita ang isang balisong, isang coin purse na naglalaman umano ng isang pakete ng shabu, at isang bala ng caliber .45 na tahasang paglabag sa Omnibus Election Code.

Nakakulong ngayon ang dating pulis na suspek na hindi nakumpirma kung retiradong pulis ito kaya wala na sa serbisyo. (Jun Borlongan)

The post Ex-pulis laglag sa shabu, bala first appeared on Abante Tonite.

Post a Comment

0 Comments