Nasabat ng magkasanib na Bureau of Customs Port of NAIA (BOC-NAIA), Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang may P926,075 halaga ng ecstasy tablets at cannabis oils sa Central Mail Exchange Center (CMEC) sa Pasay City nitong Huwebes.
Nalaman na may kabuuang apat na shipment, na naglalaman ng ilegal na droga at substance, ang naharang sa pamamagitan ng masusing eksaminasyon.
Ang unang shipment ay nagmula sa Germany na naglalaman ng 394 piraso ng ecstasy tablets at tinatayang nasa P669,800.
Habang ang ikalawang shipment ay mula sa United States of America at nadiskubreng naglalaman ng 425 gramo ng pinaghihinalaang cannabis at cannabis oils na may market value na P247,200.
Samantala, naharang pa ang dalawang panibagong shipment sa pamamagitan ng FedEx at DHL Warehouses na naglalaman ng cannabis oils at nakadeklarang vitamins at vape cartridges na may cannabis extract.
Itinurn-over sa PDEA para sa kaukulang imbestigasyon ang mga nasabat na ilegal na droga.
Sasampahan naman ng kasong paglabag sa Customs Modernization and Tariff Act at RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act ang matutukoy na consignee. (Juliet de Loza-Cudia)
The post Halos P1M ecstasy, marijuana dineklarang bitamina first appeared on Abante Tonite.
0 Comments