Lacson-Sotto: Ubusin magnanakaw, ayusin gobyerno

Kasado na ang Lacson-Sotto team sa pagsisimula ng kampanya para sa mga kandidatong tumatakbo sa national position bitbit ang kanilang plataporma na linisin at ayusin ang gobyerno.

Sa isang pahayag, sinabi ng Lacson-Sotto team na layon nilang ibalik ang tiwala ng taumbayan sa gobyerno at ibangon ang bansa.

“Aayusin ang gobyerno, aayusin ang buhay ng bawat Pilipino at uubusin ang magnanakaw,” pahayag ng Partido Reporma.

Kasabay nito, binara ni Partido Reporma presidential bet Senador Panfilo `Ping’ Lacson ang mga tsismis na pagta-tandem umano nila ni Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio.

Binigyang-diin ni Lacson na wala nang atrasan ang kanilang tambalan ng kanyang running mate na si Senate President Vicente `Tito’ Sotto III para ayusin ang gobyerno mula sa mga katiwalian.

“I intend to stick it out with my partner, Senate President Vicente `Tito’ Sotto III, as my running mate all the way,” sabi ni Lacson sa isang pahayag.

Ilulunsad ngayong Martes ng hapon ang kampanya ng Lacson-Sotto team sa pamamagitan ng isang proclamation rally sa Imus City, Cavite.

Pangalawa ang Cavite sa pinakamaraming rehistradong botante sa Pilipinas na nasa 2.15 milyon at ito ang balwarte ni Lacson na isinilang at lumaki sa Imus. Nanalo rin sila ni Sotto sa Cavite sa mga nakaraang halalan sa pagka-senador.

Dadalo rin sa proclamation rally ang kanilang mga kandidato sa pagka-senador na sina dating Philippine National Police (PNP) chief Guillermo Eleazar, public health advocate Dr. Minguita Padilla, at dating Makati Rep. Monsour del Rosario.

The post Lacson-Sotto: Ubusin magnanakaw, ayusin gobyerno first appeared on Abante Tonite.

Post a Comment

0 Comments