Mga BOC staff armado na vs ambush

Napipilitan na ang ilang mga miyembro ng Bureau of Customs Employees Association (BOCEA) na magdala ng baril bilang proteksyon dahil sa magkakasunod na pagpatay sa kanilang hanay.

Ayon sa BOCEA, naguguluhan na umano sila ngayon dahil maging ang mga mabuting empleyado sa ahensiya ay nadadamay na rin taliwas noong una na may listahan ng mga posibleng target ng mga pag-atake.

Lisensiyado at mayroong Comelec exemption ang mga kawani na may dalang baril dahil na rin sa umiiral na gun ban habang papalapit na ang eleksiyon.

Nabatid pang dahil sa takot, ang ilang kawani ay umuuwi na nang maaga at umiiwas nang abutan ng gabi lalo na sa araw ng Biyernes kung kailan kadalasan nangyayari ang insidente.

Dahil dito, makikipagpulong ang BOCEA sa Phi­lippine National Police (PNP) at National Bureau of Investigation hinggil sa isyu.

Nabatid na simula Disyembre 23, 2021 hanggang Pebrero 11 ng taong ito, meron nang apat na insidente ng pamamaril sa mga empleyado ng BOC.

Pinakahuli si Gil Manlapaz Jr., 47-anyos, information technology officer ng BOC, kung saan pinagbabaril siya ng isang motorcycle rider habang nasa loob siya ng kanyang sasakyan at nakaparada sa kanto ng Pedro Gil at Pasig Line, Sta. Ana, Maynila.

Samantala, isang malalimang imbestigasyon ang isinasagawa ng PNP at patuloy ang kanilang case analysis upang magkaroon ng matatag na lead sa serye ng pamamaslang sa mga empleyado ng BOC.

“It is unlikely that this is an isolated case since the first two incidents happened last December. Then, the next one was last January. Now, another BOC employee was shot dead. I am instructing our investigators to get all the necessary pieces of evidence,” base sa inilabas na pahayag ni PNP Chief General Dionardo Carlos.

Hawak na rin ng pulisya ang CCTV footage na magpapatunay na sunusundan na si Manlapaz ng gunman ilang minuto bago ito pagbabarilin sa loob ng kanyang SUV.

“This will be helpful since we also have CCTV records of the previous crime incidents. Now, we want to find out if there are similarities on how these injustices were executed,” saad pa ni Carlos. (Mina Navarro/Edwin Balasa)

The post Mga BOC staff armado na vs ambush first appeared on Abante Tonite.

Post a Comment

0 Comments