Pumalo na sa 26 ang mga nawawalang mga tao na nagpunta sa sabungan, base sa report ng PNP-Criminal Investigation and Detection Group (CIDG).
Sinabi sa report, kabilang sa nawawala ay ang apat na buwang buntis na si Jonnalyn Lubgin, 22-anyos.
Ayon pa sa imbestigasyon, Enero 7, nang mawala si Lubgin nang sumama sa nobyo na si Nomer de Pano, 30, at dumiretso sa sabungan sa Laguna.
Sinabi ni Laguna police chief P/Lt. Col. Paterno Domondon sa kanyang report sa CIDG na wala pang kaso na naisasampa kaugnay sa pagkawala ng magkasintahan at patuloy pa silang nag-iimbestiga.
“Matapos pong makunan ng salaysay, napag-usapan namin ng mga imbestigador, eh medyo kulang pa po ‘yong mga ebidensiyang hawak namin para mag-file ng kahit anong kaso po. In-explain namin, naintindihan naman po nila.”
Pero hindi inaalis ni Domondon ang posibilidad na may kinalaman ang insidente sa ‘game fixing’ o laglagan ng laban ng manok.
“In-admit naman ng isa sa relatives ng mga nawawala na talagang napapansin ng kasama nila may pinapakain sa manok. ‘Yan po ‘yong iniimbestigahan natin, ‘yong tsope na sinasabi po nila, ‘yong sa game fixing.”
Sa ngayon ay nakikipagtulungan na rin si Domondon sa CIDG na siyang inatasan kamakailan ni PNP Chief Dionardo Carlos na magsiyasat sa kaso ng mga nawawalang sabungerong Pinoy. (Kiko Cueto)
The post Naglahong sabungero akyat sa 26 first appeared on Abante Tonite.
0 Comments