Tanod, 57 pa kalaboso sa shabu

Nasamsam ang mahigit sa P206,000 halaga ng shabu habang naaresto ang 58 katao, kabilang ang isang barangay tanod, sa isinagawang buy-bust operation sa magkahiwalay na lugar sa lalawigan ng Cavite, Linggo ng madaling-araw.

Kinilala ang naarestong si Bokary Borja alyas Garak, 70, may-asawa, barangay tanod ng Datu Esmael, Dasmariñas City, Cavite, residente ng parehong barangay at tinaguriang high value individual.

Si Borja ay naaresto alas-kuwatro kamakalawa ng hapon sa Town and Country Subd., Brgy. Burol 1, Dasmariñas City, Cavite sa buy-bust ng mga operatiba ng Drug Enforcement Unit ng Dasmariñas CPS at narekober mula umano sa kanya ang tinatayang 25 gramo ng hinihinalang shabu na may street value na P172,500, isang tricycle na pag-aari niya, at buy-bust money.

Sa Bacoor City, Cavite, nagsagawa rin ng operasyon ang Bacoor CPS alas-6:50 kamakalawa ng gabi sa Brgy. San Nicolas 3 na nagresulta sa pagkakaaresto kina John Paul Roa, 37 at Leonida Plaza, 39, kapwa residente ng parehong barangay. Narekober sa kanila ang limang gramo ng hinihinalang shabu na may street value na P34,000 at nakalagay sa coin pouch.

Samantala, sa ulat ng Cavite Police Provincial Office, ang 58 hinihinalang tulak ay pinosasan sa anim na lungsod at sampung bayan sa Cavite sa pagitan ng alas-6:15 Sabado ng umaga hanggang alas-2:30 Linggo ng madaling-araw. (Gene Adsuara)

The post Tanod, 57 pa kalaboso sa shabu first appeared on Abante Tonite.

Post a Comment

0 Comments