Tindera tinumba ng mamimili

Dead on the spot ang isang tindera nang dalawang ulit na barilin sa dibdib ng isang lalaking nagpanggap na kostumer sa loob mismo ng kanyang tindahan sa Antipolo City nitong Linggo ng gabi.

Nang duguang bumulagta ang biktimang si Cynthia Benosa, nasa hustong gulang, at residente ng Brgy. dela Paz, Antipolo City, ay mabilis na sumakay ang hindi pa tukoy na suspek sa nakaparadang motorsiklo na agad namang pinaharurot ng rider na nagsilbing lookout.

Batay sa ulat ng Antipolo City Police, dakong alas-10:20 kamakalawa ng gabi naganap ang krimen sa loob ng Patty store, na matatagpuan sa Purok Sumulong, Brgy. Dela Paz, Antipolo.

Abala umano sa loob ng kanilang tindahan ang biktima nang dumating ang dalawang suspek na magkaangkas sa isang pulang motorsiklo.

Bumaba ang backrider ng motorsiklo at nagpanggap na kostu­mer saka biglang bumunot ng ‘di pa batid na kalibre ng baril at dalawang ulit na pinaputukan ang tindera.

Nang matiyak na napuruhan si Benosa ay mabilis nang tumakas ang mga suspek patungo sa direksiyon ng Techno Road.

Nagsasagawa pa ng masusing imbestigasyon ang mga awtoridad kung ano ang posibleng motibo sa pamamaril upang matukoy ang mga salarin. (Dolly Cabreza)

The post Tindera tinumba ng mamimili first appeared on Abante Tonite.

Post a Comment

0 Comments