Dalawa ang nasawi habang tatlo ang sugatan sa magkahiwalay na aksidente sa motorsiklo sa lalawigan ng Quezon kamakalawa, araw ng Martes.
Nangyari ang isang aksidente sa Lucena City diversion road sakop ng Brgy. Mayuwi, Tayabas City nang ang sinasakyang motorsiklo ng mag-live in partner na galing pa sa Cavite ay sumalpok sa hulihan ng isang trak na biglang lumiko sa gitna ng highway dakong alas-3:45 ng hapon.
Bagamay nakasuot ng helmet, hindi nito naisalba ang buhay ng biktimang si Maria Floreza Adarayon, 24, residente ng Trece Martires, Cavite matapos na humampas ang kanyang ulo sa hulihang bahagi ng Isuzu Elf truck na minamaneho ni Egardo Aporador Anos, 49, nakatira sa Tayabas City.
Idineklara si Adarayon na dead on arrival sa Quezon Medical Center sa Lucena City dahil sa grabeng pinsala sa ulo.
Batay sa report, patungo sa direksyon ng Lucena ang motorsiklong inangkasan ng biktima na minamaneho ng kanyang live-in partner na si Sem Barbacena, 27, nang biglang lumiko pakaliwa ang kasalubong na trak.
Sinubukang iwasan ni Barbacena ang trak pero nawalan ito ng kontrol kaya natumba ang motorsiklo subalit tumilapon ang angkas patungo sa trak.
Naaresto ng mga awtoridad ang drayber ng trak.
Samantala, patay ang 18-anyos na binata matapos na sumalpok sa isa pang motorsiklo sa Maharlika Highway sakop ng Brgy. Masin Sur bandang alas-12:20 nang hatinggabi nitong Miyerkoles.
Namatay noon din sa pinangyarihan ng aksidente ang biktimang si John Hilary Lontoc, 18, nakatira sa Brgy. Lusacan, Tiaong, Quezon.
Ayon sa report, sinakop ng motorsiklo ni Lontoc ang linya ng kasalubong na motorsiklo kaya nangyari ang salpukan.
Sugatan naman ang nagmamaneho ng isa pang motorsiklo gayundin ang angkas nito. Hindi na pinangalanan ang menor de edad na rider. (Ronilo Dagos)
The post 2 tigok, 2 sugatan sa salpukan ng mga motorsiklo first appeared on Abante Tonite.
0 Comments