Nakatakdang magsampa ng kasong kidnaping at serious illegal detention ngayong linggo ang Philippine National Police (PNP) laban sa anim na security personnel ng Manila Arena dahil sa kaso ng mga nawawalang sabungero.
Sa isang panayam sa radyo kay PNP spokesperson Col. Jean Fajardo, sinabi nito na inihahanda na ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang pagsasampa ng kaso laban sa anim na security personnel ng Manila Arena kung saan nawala ang ilang sabungero.
“Makakapagsampa na ng kaso ang CIDG patungkol po doon sa kaso ng mga nawawalang sabungero doon sa Manila Arena,” sabi ni Fajardo.
“Ito pong mga pinangalanan at positively identified ng vital witness na ilan sa mga security personnel ng Manila Arena,” dagdag ng opisyal.
Base diumano sa sinumpaang salaysay ng ilang saksi, idinitalye ng mga ito kung paano kinuha ng mga nasabing security personnel ang mga sabungero na nakilalang sina Marlon Baccay, James Baccay, Mark Joseph Velasco, Rondel Cristorum, Rowel Gomez, at John Claude Inonog paglabas ng Manila Arena noong Enero 13 at isinakay sa van.
Sa inisyal na imbestigasyon, itinanggi naman ng mga nasabing security personnel ang kanilang partisipasyon sa ginawang pagdukot sa mga nabanggit na sabungero ayon pa kay Fajardo.
Patuloy pa rin aniya ang ginagawang imbestigasyon ng PNP para matukoy ang mastermind sa pagkawala o pagdukot ng mga sabungero na base sa pinakahuling talaan ay umaabot na sa 34.(Edwin Balasa)
The post 6 sikyo swak sa kidnapping ng mga sabungero first appeared on Abante Tonite.
0 Comments