Nasakote ang tatlong lalaki dahil sa modus na `paihi’ at mga ilegal na baril sa entrapment operation na isinagawa ng mga operatiba ng Philippine National Police (PNP) sa Lucena City noong Lunes ng gabi, Marso 7.
Base sa ulat, kinilala ang mga suspek na sina Christopher Pena, 38; Ian Toezel Custodio, 28, kapwa residente ng Pagbilao; at Randy Marcelino, 42, nakatira sa Lucena City.
Nagawa maaresto ang mga suspek sa entrapment operation ng pinagsanib na puwersa ng Criminal Investigation and Detection Group, Lucena Police at 405th Regional Mobile Force Battalion sa Purok Bagong Buhay, Barangay Ibabang Talim, Lucena City.
Nakumpiska sa mga suspek ang isang caliber .45 pistol, isang 9mm, isang shotgun, mga bala, mga cellphone, pera, electric pump at mga drum na ginagamit umano sa `paihi’ operation.
`Paihi’ ang tawag sa ilegal na pagbebenta ng gasoline na ninakaw mula sa mga delivery tanker.
Mahaharap ang tatlong suspek sa mga kasong paglabag sa sa Presidential Decree No. 1865 o illegal trading ng produktong petrolyo at sa gun ban na pinatutupad ng Commission on Elections (Comelec). (Ronilo Dagos)
The post `Paihi’ gang timbog sa Lucena first appeared on Abante Tonite.
0 Comments