Nanawagan kahapon ang isang vice presidential aspirant sa lahat ng mga kandidato sa pagka-presidente at bise-presidente na buhayin ang plano noon na grand coalition para ibagsak ang tambalan nina dating Senador Bongbong Marcos at Davao City Mayor Sara Duterte.
Sa isang press conference kahapon, sinabi ng sociologist at environmentalist na si Rizalino David, ka-tamdem ni Dr. Jose Montemayor, na dapat mag-usap ang mga kalaban ng UniTeam nina BBM at Mayor Inday kung nais nilang huwag makaporma sa halalan sa Mayo 9, 2022 ang dalawa.
“Tanggapin na natin ang totoo, kahit anong gawin nilang lahat ay hindi pa rin sila mananalo kina BBM at Sara. Namamayagpag sila sa nga survey at kahit pagsamahin pa ang mga percentage nila ay talo pa rin sila,” ani David.
Upang mapigilian ang panalo.nina BBM at Duterte, iginiit ni David na dapat magpaubaya ang mga kandidato at piliin ang pinakamalakas na itatapat sa dalawa.
Aniya pa, dapat magkasundo sina presidential aspirants Vice President Leni Robredo, Sen. Panfilo Lacson, Manny Pacquiao at Manila Mayor Isko Moreno ng hanggang Abril 1 para may mapili na silang common candidate na itatapat kay BBM sa gaganaping debate na pamahalaan ng Commission on Elections (Comelec) sa Abril 4.
Sa gagawing ito ng mga presidentiable at vice presidentiable, ang sambayanan umano ang makikinabang dahil tiyak na hindi na muling mararanasan ng bansa ang madilim na kasaysayan na naitala sa ilalim ng pamumuno ni dating Pangulong Ferdinand Marcos.
Umaasa rin si David na gagabayan ng simbahan ang mga kandidato sa kanilang pagpapasya para malinawan umano ang pag-iisip ng mga ito para na rin sa interes ng bayan.
“Huwag naman sanang mangyari na ang mga uupong presidente at vice president ay mga anak ng naging Pangulo ng bansa natin na parehong diktador. Pag nanalo sina BBM at Sara, magpakamatay na lang tayo,’ ani pa ni David na aminadong desperado umano siyang gawin ang lahat para lang maharang ng panalo ng dalawa. (Mia Billones)
The post Grand coalition ng mga kandidato buhayin first appeared on Abante Tonite.
0 Comments