Sinita sa checkpoint, mobile car binangga ng Chinese

HALOS hindi na magamit ang isang police mobile car nang dalawang beses banggain ng isang Chinese national na driver ng isang Montero sa isang checkpoint sa Imus City, Cavite Linggo ng gabi.

Kasabay nito ay inaresto ang dalawang Chinese na sina Zhang Yuanyi, 43; Qi Hongyong, 37, habang isinugod sa isang ospital ang kasama nilang buntis na Pinay na si Arcylyn Andres, 29, pawang residente ng Imus City, Cavite.

Sa ulat ni PCMSgt Luis Divina, ng Imus City Police Station, naglatag ng Law Enforcement Checkpoint ang mga operatiba ng Imus CPS sa boundary ng Lungsod ng Imus/Bacoor sa Brgy Palico 1, Imus City alas-10:30 kamakalawa ng gabi nang dumaan ang itim na Montero (TXQ 798) sakay ang dalawang Chinese at buntis na kasama. Imbes na tumigil ay binalewala ang checkpoint at pinaharurot ang kanilang sasakyan.

Hinabol ng mga operatiba ng Imus CPS gamit ang isang Police Mobile car kung saan dalawang beses na binangga kaya halos hindi na ito magamit dahil totally wrecked.

Nakorner ang sasakyan ng mga suspek sa Brgy Anabu 2C ng naturang Lungsod matapos silang pumasok sa isang pribadong compound.

Sumailalim ang dalawa sa alcohol breath analyzer dahil hinihinalang nakainom ang mga ito. (Gene Adsuara)

The post Sinita sa checkpoint, mobile car binangga ng Chinese first appeared on Abante Tonite.

Post a Comment

0 Comments