Arestado sa magkakahiwalay na follow-up operation ang 11 suspek kasama ang dalawang pulis na sangkot sa mga kaso ng robbery at carnapping sa bahay ng dalawang Chinese national sa Quezon City kamakailan.
Sa ulat ng Quezon City Police District-La Loma Station 1 na pinamumunuan ni Lt. Col. Garman Manabat, nangyari ang insidente sa kahabaan ng Don Jose St., Barangay Santo Domingo noong Abril 21.
Agad itong isinumbong sa pulisya ng mga biktima na kinilalang sina Yancheng LuU, 23, at Shanxing Jia, 28.
Ayon kay Manabat, nilooban ng mga suspek ang mga biktima at tinutukan ng baril habang kinukuha ang personal na kagamitan ng mga ito saka tumakas sakay ng puting Nissan Urvan at gray Chevrolet Captiva na pag-aari ng isa sa mga biktima.
Ikinasa ang follow-up operation noong Abril 24 kung saan nasakote ang mga suspek na kinilalang sina Wilfredo Villago, 49; Lolito Perez, 42; Domingo Enriquez, 45; Rolando Fajardo, 50; Eduardo Paez, 35; Rodrigo Villamor, 59; Gregorio Rivera, 51; Daniel Tuazon, 26, at Walter Torres, 49, pawang nakatira sa Nueva Ecija.
Samantala, sa isa pang follow-up operation, naaresto ang dalawang suspek na pulis na kinilalang sina Corporal Celso Calibuso, 35, at Corporal John Hipolito, 39, kapwa nakatalaga sa Cabiao Police Station sa Nueva Ecija.
Nakumpiska mula sa mga suspek ang tatlong hand grenade, isang unit ng Silver Armscor caliber .45, mga bala, ang Chevrolet Captiva, 11 cellphone, sling bag, mga passbook at checkbook ng isa sa biktima, isang Toyota Innova (NQI 766 ang plaka) at isang improvised plate number CAS3398.
Isinagawa ang pag-aresto sa kanila ng mga pinagsanib na puwersa ng Philippine National Police. (Dolly Cabreza/Jojo De Guzman)
The post 2 pulis, 9 pa nalambat sa robbery-carnap first appeared on Abante Tonite.
0 Comments