Unti-unti na umanong nararamdaman ang pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa Baguio City subalit walang plano ang lokal na pamahalaan na maghigpit sa pagpasok ng mga turista sa kanilang lungsod.
Kasabay nito, nilinaw ni Baguio City Mayor Benjamin Magalong na walang direktang kinalaman sa na-detect na BA 2.12 Omicron subvariant sa isang turistang pumasok sa kanilang lungsod ang pagtaas ng kaso ng COVID.
Una nang kinumpirma ng Department of Health (DOH) na isang babaeng mula Finland na bumisita sa Baguio City ang nagpositibo sa Omicron subvariant noong April 11.
“During that time nagkaroon kami ng dalawang case, so `yong isa dun, foreigner. So binantayan talaga namin. We were expecting that we’ll be having an increase, let us say, 10 days pero hindi nangyari,” ani Magalong sa isang panayam sa radyo.
“Pero may nararamdaman kami na unti-unti tumataas kasi dati-rati zero, zero, zero kami, kahapon, nagkaroon na kami ng three cases,” dagdag ng alkalde.
Sinabi ni Magalong, wala silang plano na maghigpit at hahayaan lang nila ang pagdating ng mga turista.
“As of today, considering na wala namang relationship `yong pasyente na `yon sa mga increases namin, pinababayaan lang namin `yong mga bisita na umakyat. Itong mga bagong subvariant naman e talagang mild naman to, in fact sabi nga nila puwede na home isolation,” ayon kay Magalong.
Dagdag pa ni Magalong na kumpiyansa silang kayang-kaya nilang tugunan ang posibleng pagtaas ulit ng mga kaso ng COVID dahil natuto na sila sa nagging karanasaan noong kasagsagan ng pandemya bunsod ng Delta at Omicron. Ipinagmalaki rin ng alkalde ang mataas na vaccination rate sa Baguio City.
“We are the highest outside of Metro Manila. Almost ano na kami, mag-108% na kami. Pati dun sa 12-17 [years old] nasa 86% na kami, sa booster more than 50% na kami,” ani Magalong. (Allan Bergonia)
The post Magalong `di ibabawal mga turista sa Baguio first appeared on Abante Tonite.
0 Comments