Badoy: NTF-ELCAC tagumpay sa 24K ex-rebels

Katibayan ng tagumpay ng “whole-of-nation approach” ang pagsuko ng halos 24,000 komunistang-terorista sa pinatutupad ni Pangulong Rodrigo Duterte na Executive Order No. 70 na siya ring bumuo sa National Task Force to End Local Communists Armed Conflict (NTF-ELCAC).

Ito ang naging pahayag ng NTF-ELCAC sa pamamagitan ng tagapagsalita nito para sa Sectoral Concerns at Presidential Communications Undersecretary Lorraine Badoy sa lingguhang balitaan kahapon, bilang kasagutan sa mga walang basehan na pahayag na sablay ang task force at si Pangulong Duterte sa laban ng mga ito sa mga komunistang-terorista.

Upang maipabatid pa ang tagumpay ng Administrasyong Duterte na pinagmamalaki ni Badoy, iniulat naman ni Navy Captain Navy Capt Ferdinand Buscato, Executive Director ng Task Force Balik Loob, na sa 23,641 nagsisuko na sa pamahalaan, 2,052 dito ay ‘violent extremists.’

Ayon kay Buscato, karamihan sa bilang ay namumuhay na nang maayos matapos silang magsisuko at tinulungan ng pamahalaan, kasama ang tiyak nilang mga kabuhayan.

“We are also hoping that the next administration will continue these programs,” ani Buscato.

Sinabi naman ni Director Monico Batle, NTF-ELCAC Action Officer ng Barangay Development Program (BDP) na ang unang batch na 822 barangays na dating pinamumugaran ng New People’s Army (NPA) ay namumuhay na rin ng tahimik at nabuhusan na ng mga proyektong galing sa BDP.

Ang pangalawang batch, aniya, na 1,406 mga barangays sa mga liblib na lugar ng bansa ay makatanggap din ng BDP.

Sa pangatlong batch na mabibiyayaan ng BDP ay kasama rin ang mga barangay na pinamugaran ng NPA kahit noong di pa presidente si Pangulong Duterte. (PNA)

The post Badoy: NTF-ELCAC tagumpay sa 24K ex-rebels first appeared on Abante Tonite.

Post a Comment

0 Comments