Sarhento bulagta sa sabungan ratratan

Todas ang isang pulis nang hindi ito santuhin ng isa sa mga mananaya matapos salakayin ng mga tauhan ng Pangil Municipal Police Station (MPS) ang iligal na pasabong (tupada) kamakalawa sa Barangay Sulib, Pangil, Laguna.

Nakuha pang isugod sa Pakil General Calles Hospital si Police Chief Master Sergeant Gilbert Robles Briz, 42, subalit binawian din ito ng buhay dahil sa tinamong bala sa katawan. Samantala nadakip naman kamakalawa ng gabi sa manhunt operation ng Pangil MPS ang suspek na si Ronilo Oliveros Ruben, welder, ng Brgy Sulib, Pangil, Laguna.

Sa ulat ng Laguna Police Provincial Office (PPO) na ipinadala kay Philippine National Police (PNP) chief General Dionardo Carlos, naganap ang insidente alas-10:46 ng umaga nang salakayin ng mga tauhan ng Pangil MPS ang tupadahan sa lugar.

Habang abala sa paghuli ng mga mananaya ang mga pulis ay isang putok ang umalingawngaw kasunod ng duguang pagbulagta ni Briz na isinugod pa sa nabanggit na pagamutan subalit nasawi rin.

Base sa salaysay ng mga saksi, kinilala ang bumaril sa pulis na si Ronilo Oliveros Ruben, na mabilis na tumakas. Ngunit alas-7:10 ng gabi ay nasakote rin ito sa Barangay Bagumbayan sa Paete, Laguna. (Edwin Balasa)

The post Sarhento bulagta sa sabungan ratratan first appeared on Abante Tonite.

Post a Comment

0 Comments