Itinuloy pa rin diumano ng Laguna Lake Development Authority (LLDA) ang tinaguriang `midnight’ bidding nito para sa kontrobersiyal na renewable energy project kahit election period na at walang pangangasiwa o koordinasyon sa Department of Energy (DOE).
Nabatid na nangibabaw sa pa-bidding ng LLDA para sa naturang proyekto ang Blue Leaf, isang kompanya na pag-aari ng Macquarie na pinakamalaking bangko sa Australia, habang nakuha naman ng SunAsian Energy (na pinamumunuan ni Tetch Cruz Capellan) ang kalahati mula sa 20,100 ektaryang bloke para sa solar o wind power projects sa Laguna Lake.
Base sa source ng online news site Bilyonaryo, may ilang kumukuwestiyon sa tila pagmamadali ng LLDA, na pinamumunuan ng general manager nito at dating Pateros mayor Joey Medina, para sa bidding ng proyekto.
Napag-alaman na isinagawa umano ang pre-bidding noong Marso 22 at binuksan ang bidding nitong Abril 12 kung kailan campaign period na at tatlong buwan na lamang ang natitira bago magpalit ng administrasyon.
Bukod umano sa tila minadali ang bidding, sinabi ng source na hindi rin nakipag-ugnayan ang LLDA, na nasa ilalim ng tanggapan ni Department of Environment and Natural Resources (DENR) OIC Secretary Jim Sampulna, sa DOE na siyang nangangasiwa sa lahat ng renewable energy project sa bansa at maging sa National Grid Corporation of the Philippines (NGCP).
Dagdag pa ng source na base sa mga kritiko ng proyekto, kulang umano ito sa masusing pag-aaral para malaman kung ano ang magiging epekto ng mga floating solar panel o wind turbine sa mga mangingisda, turista at migratory birds at iba pang marine life sa pinakamakaking lawa sa bansa.
Nabatid pa na nakapagsagawa na ang LLDA ng pilot project sa Baras, Rizal para sa 10-kilowatt floating solar power system may apat na taon na ang nakalipas.
The post LLDA niratsada solar project first appeared on Abante Tonite.
0 Comments