Mag-utol na mayor, vice yari sa PNP engkuwentro

Sinampahan ng kaso ng Philippine National Police (PNP) ang magkapatid na alkalde at bise sa Pilar, Abra kaugnay sa engkuwentrong naganap noong nakaraang buwan kung saan isa ang nasawi.

Kasong paglabag sa Republic Act No. 10364 o Expanded Anti-Trafficking in Persons Act of 2012 ang isinampa sa magkapatid na Pilar Mayor Maro Somera at Vice Mayor Jaja Josefina Somera Disono. Kasamang kinasuhan ang ilan sa kanilang mga tauhan.

Ito’y dahil sa pagre-recruit umano ng 12 dating militar bilang mga bodyguard.

Nahaharap naman sa kasong `serious disobedience to an agent of a person in authority’ ang security aide at tauhan ng pamahalaang bayan ng Pilar na sina Robert Boreta Toreno at Emmanuel Nicanor Valera, pati na ang kasambahay ni Disono na si Jericho Toreno Bufil. Kinasuhan din ng attempted murder si Bufil.

Marso 29 nangyari ang insidente kung saan binalewala umano ng van na sinasakyan ng mga bodyguard ni Disono ang isang checkpoint sa Pilar. Hinabol sila ng mga pulis at humantong sa engkuwentro kung saan napatay ang tauhan ng bise alkalde na si Sandee Boy Bermudo.

Sumuko na sa pulisya ang mga bodyguard ni Disono. Kasamang isinuko ang 14 lisensiyadong baril mula sa kampo nila.

Bukod sa mga nabanggit na kaso, inirekomenda rin ng pulisya na sampahan ng hiwalay na kaso sa Commission on Elections ang magkapatid na alkalde at bise dahil sa paglabag sa Republic Act No. 7166 o Omnibus Election Code. (Damien Horatio Catada)

The post Mag-utol na mayor, vice yari sa PNP engkuwentro first appeared on Abante Tonite.

Post a Comment

0 Comments