Pulis tigok, 5 sugatan sa NPA ambush

Todas ang isang pulis habang sugatan ang limang iba pa makaraang tambangan sila ng mga miyembro ng New People’s Army (NPA) sa Barangay San Miguel, Las Navas, Northern Samar kahapon nang madaling-araw.

Kinilala ang nasawi na si Patrolman Harvie Cortez, 30, habang sugatan naman ang dalawang kasamaan niya na sina Patrolman Rico Borja at Patrolman Leandro Luciano Bulosan, at tatlong sundalo na sina Cpl Arvin C Papong, Pfc Whilydel Jic Rodoña at Pfc Welmer Del Monte.

Sa ulat na ipinadala ng pamunuan ng Police Regional Office 8 sa Camp Crame, dakong ala-una nang madaling-araw nang tambangan ng NPA ang grupo ng mga pulis at sundalo sa Barangay San Miguel.

Napag-alaman na kabilang ang mga pulis at sundalo sa mga dumalo sa isang aktibidad ng Retooled Community Support Program (RCSP) at nagpasya umano na pa-booster shot laban sa COVID-19 subalit habang bumibiyahe sila ay tinambangan ng NPA gamit ang anti-personnel mine.

Nagkaroon ng sagupaan ang dalawang panig hanggang sa umatras ang NPA at bumalik sa kabundukan.

Nasawi si Cortez sa labanan habang dinala naman sa Catarman Medical Hospital ang mga sugatang pulis at sundalo kung saan nasa maayos nang kalagayan ang mga ito.

Tinugis naman ng pulisya ang mga suspek at inutos na rin ang paglalagay ng mga checkpoint sabay inalerto ang mga pagamutan kung may pasyenteng dadalhin na may tama ng bala ng baril. (Edwin Balasa)

The post Pulis tigok, 5 sugatan sa NPA ambush first appeared on Abante Tonite.

Post a Comment

0 Comments