Tinitingnan ni presumptive president Ferdinand Marcos Jr. ang posibilidad ng paggamit ng nuclear power upang madagdagan ang supply ng kuryente sa bansa.
Sa isang press briefing nitong Lunes, sinabi ni Marcos na kailangan ng bansa ng dagdag na supply ng kuryente upang matugunan ang pangangailangan sa pagpapalakas ng ekonomiya.
Inamin ni Marcos na nais niyang malaman kung maaari pang buhayin ang Bataan Nuclear Power Plant (BNPP) na itinayo sa termino ng kanyang ama na si dating pangulong Ferdinand E. Marcos Sr.
Binanggit ni Marcos ang alok ng South Korean ambassador na tumulong para sa planong buhayin ang nuclear plant.
“Napag-usapan namin ng South Korean ambassador `yong offer nila at `yong nakapunta na dito na expert ng nuclear power para tingnan ang Bataan Nuclear Power Plant, para makita kung ano pa ang puwede pang gawin, kung puwede pang ituloy o kailangan na ba magtayo ng bago,” sabi ni Marcos.
Naungkat ang usapin ng BNPP sa pagpunta ni South Korean Ambassador Kim Inchul kay Marcos upang ipaabot ang pagbati sa panalo nito sa katatapos na halalan.
Isang grupo ng eksperto mula sa South Korea ang dati nang bumisita sa bansa upang tignan ang BNPP. Nais umano ni Marcos na mapag-aralan ang rekomendasyon nito.
Nauna nang sinabi ng Philippine Nuclear Research Institute (PNRI) na nag-alok ang South Korea na buhayin ang BNPP sa halagang $1.1 bilyon. (Billy Begas)
The post BBM, South Korea pakner sa nuclear plant first appeared on Abante Tonite.
0 Comments