Tila ginagapang na ni Senator-elect Juan Miguel Zubiri ang pagsungkit sa liderato ng Mataas na Kapulungan sa pagbukas ng 19th Congress.
Ayaw munang magkomento ni Zubiri sa espekulasyon tungkol sa term-sharing o paghahati ng termino bilang pinuno ng Senado subalit patuloy aniya ang pag-uusap ng kanilang grupo sa kampo ni Senador Cynthia Villar patungkol sa liderato ng susunod na supermajority sa kapulungan.
“No comment muna. Let’s not comment about term-sharing. I don’t want to jinx anything,” pahayag ni Zubiri sa isang press conference sa Senado.
“The lines between me and Senator Cynthia had been open from day one. We’re still discussing,” dagdag pa niya.
Bukod kay Zubiri, sina Villar at Senator-elect Francis `Chiz’ Escudero ang napaulat na gusto ring tumakbo bilang susunod na Senate president.
“Kami ni Chiz, hindi kami mag-aaway niyan. Magkaparehong grupo kami. Eventually `yong grupo namin will decide sino magli-lead ng bloc namin. I leave it at that,” sabi ni Zubiri.
“Basta `yong grupo ni Ma’am Cynthia at saka `yong grupo namin will eventually be part of the supermajority, so we don’t want to ruffle any feathers,” dagdag pa ni Zubiri.
Bukas rin aniya ang linya ng komunikasyon sa pagitan niya at ni Villar, gayudin ang iba pang senador.
Samantala, para kay Zubiri, mas gugustuhin niyang manatili bilang chairperson ng finance committee si Senador Sonny Angara.
Mas maganda rin aniya kung magiging Senate President Pro Tempore ang nagbalik-Senado na si Loren Legarda.
Nauna nang napaulat na nais ni Senador Imee Marcos na pamunuan ang finance committee na kasalukuyang hawak ni Angara. Si Marcos din ang isa sa mga nagtutulak kay Villar na pamunuan ang Senado sa susunod na Kongreso. (Dindo Matining)
The post Zubiri ginagapang na liderato ng Senado first appeared on Abante Tonite.
0 Comments