Posibleng dalawang senador lamang ang matira na maglalaban para pamunuan ang Senado sa pagbubukas ng 19th Congress.
Ayon kay Senate President Vicente `Tito’ Sotto III, sina reelected Senate Majority Leader Juan Miguel `Migz’ Zubiri at ang nagbabalik na si Sorsogon Gov. Francis `Chiz’ Escudero ang maglaban bilang susunod na pangulo ng kapulungan.
“Ang tingin ko kung makabuo sila ng majority, either si Migz or si Chiz,” ayon kay Sotto sa panayam ng himpilang DWIZ.
“`Yon `yong grupo ko eh. Alam kong buo sila, may bonus pa `yan, may Grace Poe pa `yan, may Koko Pimentel – well Koko wants to be in the minority. May Nancy Binay pa `yan, may Loren Legarda and then may Raffy Tulfo,” sabi pa ni Sotto.
Ang tinukoy ni Sotto na mga senador ang posibleng bumuo umano ng grupo para suportahan ang isang kandidato sa Senate presidency.
Sa ngayon aniya, maaga pa para sabihin kung sino ang makakasungkit sa Senate presidency subalit naniniwala umano siyang susuportahan ng mayorya ang alam nilang magiging independent sa pagpapatakbo ng Senado.
Samantala, aminado naman si Senator-elect Sherwin Gatchalian na hangad din niyang pamunuan ang Senado.
“Nabanggit ko rin ang aking interes na tumakbo bilang Senate president dahil hindi na tayo bagito dito sa Senado at naipakita rin natin ang ating pagkaseryoso sa trabaho at naipakita natin ang ating kumbaga ika nga eh performance,” sabi ni Gatchalian sa hiwalay na panayam sa radyo.
Patuloy na umano ang kanyang pakikipag-usap ngayon sa kanyang mga
kasamahan na karamihan naman ay kaibigan niya para ipaalam ang kanyang intensiyon na pamunuan ang Senado.
Gayunman, inilutang din ni Gatchalian na posibleng magkaroon ng term sharing sa liderato ng Senado.
“May possibility `yan na magkaroon ng ganitong arrangement. Ang importante po ay nag-uusap kung paano magkaroon ng consensus at kung paano namin gagamitin ang consensus para palakasin ang Senado bilang isang institusyon,” dagdag ni Gatchalian.
Samantala, bukod kina Zubiri, Escudero at Gatchalian, lumutang din ang pangalan nina Senador Cynthia Villar at Loren Legarda sa posibleng maging kapalit ni Sotto na tapos na ang termino. (Eralyn Prado)
The post Chiz vs Migz sa Senate president first appeared on Abante Tonite.
0 Comments