COVID mas delikado kesa monkeypox – NTF adviser

Pinawi ng isang medical adviser ng National Task Force Against COVID-19 ang pangamba ng publiko kaugnay sa paglitaw ng monkeypox.

Sa kanyang pagdalo sa Laging Handa public briefing kahapon, sinabi ni NTF medical adviser Dr. Ted Herbosa na hindi dapat na mag-alala o mag-panic ang mga tao sa monkeypox dahil hindi ito kasing-bagsik ng COVID.

Mas nakakahawa aniya ang COVID kaya ang dapat gawin ay sundin ang minimum public health standards para hindi mahawa sa monkeypox.

“Huwag tayong masyadong matakot dito. Hindi siya kasing nakakahawa as COVID-19 na airborne. So `yong mga taong nakikihalubilo doon ang mas malaki ang chance mahawa. Pero kung gagawin natin `yong minimum public health standards, hindi dapat tayo mahawa diyan sa mga cases ng monkey pox,” ani Herbosa.

Tumatalab aniya sa monkeypox ang bakuna laban sa smallpox at cowpox at maaaring gumawa ulit ng ganitong bakuna sakaling dumami ang kaso ng naturang sakit na nakukuha sa ilang uri ng unggoy, daga at squirrel.

“Ang alam ng mga eksperto tumatalab `yong small pox vaccine and cow pox vaccine so puwedeng i-manufacture ito in commercial. Dahil wala ng smallpox, hindi na tayo gumagawa ng bakunang ito pero naka-store sa ating mga level four biomedical labs sa iba’t ibang first world countries iyong smallpox virus para in case mag-reemerge siya, puwede tayong gumawa ng vaccine against them,” ayon kay Herbosa.

Border control `di kailangan

Kinontra naman ni Herbosa ang pagpapatupad ng border control para hindi makapasok sa bansa ang monkeypox.

“Hindi naman siya ganoon as a COVID-19 na nakakahawa at hindi siya bago na sakit. Alam na natin paano gamutin, paano ang hawahan nito. Hindi siya mystery illness na napilitan tayo magsara ng borders,” sabi ni Herbosa.

Bilang adviser aniya ay hindi niya nirerekomenda na isara ang mga border dahil lamang may mga naiulat nang kaso ng monkeypox sa ibang bansa. (Aileen Taliping)

The post COVID mas delikado kesa monkeypox – NTF adviser first appeared on Abante Tonite.

Post a Comment

0 Comments