Duterte admin may pahabol na P20B utang

Muling nangutang ang administrasyong Duterte ng $400 milyon o P20.9 bilyon sa Asian Development Bank (ADB) para sa tinatawag na capital markets kasama na ang stock market upang lumalim ang pagpopondo sa matatagal na matapos na proyekto tulad sa infrastructure.

Mahalaga umano ito para masiguro ang patuloy na paglago ng ekonomiya.

Tinawag na Support to Capital Market-Generated Infrastructure Financing Program ang panibagong utang ng bansa sa ADB.

Layunin umano nito na gawing matipid at mas masigla ang negosyo ng pautangan sa bansa para mas maraming institusyon ang makasali dito tulad ng mga insurance company at pension fund.

Ayon sa ADB, maliit lamang ang ambag ng mga pension fund at insurance sector sa capital market ng Pilipinas samantalang malaki ang maitutulong nito sa pagpondo ng mga proyektong mahaba ang panahon bago matapos. Maaaring mas makapagbigay umano ng mas magandang presyo ang mga ito sa investors at hindi sila kaagad matataranta sa mga biglaang pangyayari sa merkado.

Sabi ni ADB Principal Financial Sector Specialist for Southeast Asia Stephen Shuster, magiging mas malawak ang makukuhanan ng utang sa bansa at ang mas matagal na utang ay makatutulong sa pag-ahon ng mga industriya at micro, small and medium enterprises.

Dahil ang utang ay para sa isang programa at hindi isang tukoy na proyekto, magagamit ng pamahalaan ang pera para ipangtustos sa mga gastusin nito. (Eileen Mencias)

The post Duterte admin may pahabol na P20B utang first appeared on Abante Tonite.

Post a Comment

0 Comments