Dalagang vendor maniningil ng pautang, tinumba

Bumulagta sa kalsada ang isang 21-anyos na dalagang vendor na maniningil sana ng pautang matapos pagbabarilin ng isa sa dalawang lalaking nakasalubong niya sa Brgy. Old Balara, Quezon City nitong Biyernes ng gabi.

Nakilala ang biktima na si Angieneth Umayam Ferrer alyas `Thay Anne’ na taga-Brgy. Culiat, Quezon City.

Agad namang nasakote ang suspek na si John Kenneth Pagobo alyas `Dodong’, 30, binate, construction worker at nakatira sa Barangay Old Balara. Nakatakas ang kasama niya na kinilalang si Dangjo Francisco, may asawa, tricycle driver at residente ng Brgy. Nagkaisang Nayon sa nasabi ring lungsod.

Ayon sa report ng Quezon City Police District-Criminal Investigation and Detection Unit, bandang alas-otso ng gabi nang mangyari ang pamamaril sa Namalo covered court sa Brgy. Old Balara.

Nalaman sa imbestigasyon ni Corporal Rasul Monib na nagtungo ang biktima kasama ang isang kapatid na babae sa Namalo covered court upang maningil ng pautang sa isang nagngangalang `Justine’ na dating live-in partner umano ng kanilang kapatid na lalaki.

Pero nang makasalubong ni Ferrer ang suspek na si Pagobo ay biglang dinuro-duro ito. Lumapit naman ang isa pang suspek na si Francisco sa biktima saka bumunot ng baril at pinutukan ng ilang beses ang vendor.

Umeskapo ang dalawang suspek nang bumulagta ang biktima pero nasakote si Pagobo sa pagtugis nina Corporal Dionne Paulo Valmores at Patrolman James Marshal Morales ng Batasan Police Station 6.

Ayon sa Scene of the Crime Operatives, nagtamo ang biktima ng maraming tama ng bala sa iba’t ibang parte ng katawan mula sa hindi pa batid na kalibre ng baril.

Nakatagpo rin umano ang mga awtoridad ng anim na piraso ng sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu sa underwear ng biktima.

Inaalam pa ng pulisya kung may kinalaman sa ilegal na droga ang pamamaslang sa dalagang vendor. (Dolly Cabreza)

The post Dalagang vendor maniningil ng pautang, tinumba first appeared on Abante Tonite.

Post a Comment

0 Comments