Humirit ang mga food manufacturer ng taas-presyo sa mga produkto nilang pagkain subalit tinabla kaagad ito ng Department of Trade and Industry (DTI) sa pagsasabing ipapasa na nila sa desisyon ng administrasyon ni President-elect Ferdinand Marcos Jr.
Ayon sa Philippine Amalgamated Supermarkets Association (PAGASA), magkakaroon ng panibagong taas-presyo sa ilang pangunahing bilihin ngayong Hunyo katulad ng ilang brand ng sardinas, meat loaf, kape, evaporated milk, suka, asukal at instand noodles.
Nasa lima hanggang 10 porsiyento diumano ang itataas ng mga naturang bilihin mula sa kasalukuyang presyo ng mga ito.
Ayon kay Steven Cua, presidente ng asosasyon, humihirit pa rin ang maraming manufacturer ng mga produktong may suggested retail price (SRP) ng dagdag-presyo sa DTI.
Subalit sinabi naman ni DTI Undersecretary Ruth Castelo na kanila pang pinag-aaralan ang hirit ng mga manufacturer.
Aniya, patuloy ang taas-presyo ng langis kaya tumataas rin ang halaga ng distribusyon ng mga bilihin kung kaya’t maraming kahilingan sa DTI subalit pinag-aaralan pa nila ito.
Subalit sinabi rin ni Castelo na hindi na nila aaprubahan ang mga bagong hirit na taas-presyo ng mga bilihin at ipapasa na lamang nila ang magiging desisyon sa papasok na administrasyon. (Dolly Cabreza)
The post DTI pinasa taas-presyo ng mga pagkain kay BBM first appeared on Abante Tonite.
0 Comments