Mag-iina todas sa salpok ng van

Nananawagan ng hustisya ang kaanak ng mag-iina na nasawi matapos salpukin ng pampasaherong van ang sinasakyan nilang tricycle sa Maharlika highway sa Lucena City.

Ayon sa mga kaanak, dapat managot ang driver ng van na si Carlos Santiago Grutas Jr., 37, na nitong nakaraang araw ay pinalaya ng pulisya base sa rekomendasyon ng piskalya.

Sa report ng Lucena PNP, nangyari ang insidente alas-diyes Sabado ng gabi, June 11.

Ang tricycle na patungong Pagbilao ay pumasok sa highway galing sa isang gasolinahan.

Bago nakaposisyon ang tricycle sa linya ay nabangga ito ng Kia passenger van ng suspek.

Nasawi ang tatlo sa sakay ng tricycle na sina Shirly Glorioso Dizon, 37, at dalagang anak na sina Pauline Grace, 17, at Shirly Ann, 19, pawang taga-Benco Village, Brgy. Mapagong, Pagbilao, Quezon.

Sugatan din ang ama na si Ryan Paul Guevarra Dizon, 38, at bunsong anak na si James Mathew, 7.

Nagtamo rin ng mga sugat ang driver ng tricycle na si Jerald Marinay, 20.

Subalit nabunton ang kaso kay Marinay nang matuklasang wala itong driver’s license at expired ang registration ng tricycle.

Dahil doon, pinalaya ng Lucena PNP ang driver ng van base na rin sa rekomendasyon ng piskalya, na ikinagulat ng mga kaanak.

Hirit ng mga ito, dapat umanong managot din ang driver ng van dahil ito ang sumalpok sa tricycle. (Ronilo Dagos)

The post Mag-iina todas sa salpok ng van first appeared on Abante Tonite.

Post a Comment

0 Comments