Ginapos ng alambre, bibig binusalan! 6-anyos, 3 pang sinalvage bumulaga sa kalye

Nakagapos ng alambre ang mga kamay at may busal na duct tape ang mga bibig nang matagpuan ang bangkay ng apat na katao, na kinabibilangan ng anim na taong gulang na bata na hinihinalang mga biktima ng summary execution o salvage sa Purok 9, Biasong, Brgy. Imelda, Villanueva, Misamis Oriental, kahapon ng madaling-araw.

Inihilera umano ang mga biktima sa isang kalsada sa nasabing purok.

Ayon sa Villanueva Police, ang tatlo sa apat na mga biktima ay tinatayang nasa pagitan ng edad 25-35, habang ang isa ay nasa 6-anyos lamang, at pawang may mga tama ng bala sa ulo at katawan.

Isang rider ang nakakita sa mga bangkay na pawang duguang nakahandusay sa kurbado at pataas na bahagi sa nasabing lugar kaya agad niya itong ini-report sa mga awtoridad.

Batay sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, posibleng dinukot ang mga biktima sa iba’t ibang lokasyon saka dinala sa nasabing barangay at doon itinumba ng hindi pa nakikilalang mga salarin.

Batay naman sa pagsisiyasat ng Scene-of-the-Crime Operatives (SOCO) na pinamumunuan ni Police Lt. Jameson Albior, pawang iginapos ng alambre at binusalan ng duct tape ang mga biktima at may mga tama ng bala sa ulo at katawan.
Nakasamsam ang mga pulis ng limang basyo ng bala ng caliber .45 at tatlong bala ng 9mm sa lugar na pinangyarihan ng krimen.

Nagsasagawa pa ng masusing imbestigasyon ang mga awtoridad sa motibo ng pamamaril upang matukoy ang salarin at inaaalam pa nila ang pagkakakilanlang ng mga salvage victim.(Dolly Cabreza/Kiko Cueto)

The post Ginapos ng alambre, bibig binusalan! 6-anyos, 3 pang sinalvage bumulaga sa kalye first appeared on Abante Tonite.

Post a Comment

0 Comments