Higit 220K nakatengga kaso sa ilegal na droga

Inihayag ni Interior Secretary Benhur Abalos Jr. na 77 porsiyento ng mga kaso sa ilegal na droga na naihain mula 2016 hanggang Hulyo 2022 ay nananatili pa ring nakabinbin sa mga korte.

Ayon kay Abalos, sa 291,393 total case, may 22,000 ang nahatulan, 5,753 ang na-dismiss at 223,579 ang nakabinbin.

“Ang drug cases ngayon medyo marami… dapat mabantayan ito,” ani Abalos sa press conference nitong Biyernes.

Sinabi ni Abalos, nais umano ng ahensiya na suriing muli ang police investigators at rebyuhin kung paano sila na-recruit.
Aniya, sa 22,774 police investigators sa bansa ay 123 lamang ang nagtapos sa abogasiya.

“Magkakaroon ngayon ng pagtuturo. Reassess. Reassessment of what’s happening right now on the ground. So retraining kung anong meron sila, we will supplement it, kailangan siguro tignan maigi sino qualified, sino hindi,” giit ng kalihim.

“Hindi naman puwedeng nag-volunteer ka, hindi naman para sa‘yo ang maging imbestigador. That’s my personal point of view. There should be a reassement of those who were chosen,” anang opisyal.

Binigyang diin pa ni Abalos na sa mga isinasagawang imbestigasyon ay dapat na madetermina na mahatulan ang mga kaso sa korte.

Aniya, aapela rin siya sa League of Cities of the Philippines na magtalaga ng mga testigo sa Department of Justice (DOJ).

“I will be requesting from the mayors and also from other public officials na baka puwedeng gawin din nila ito to help in this cases. Para makatulong. Kasi nga karamihan na di-dismiss,” dagdag pa ng DILG chief. (Dolly Cabreza)

The post Higit 220K nakatengga kaso sa ilegal na droga first appeared on Abante Tonite.

Post a Comment

0 Comments