P1.7B shabu nasabat sa QC, Cavite

Umaabot sa 260 kilo ng hinihinalang shabu na nakasilid sa tea packs at nagkakahalaga ng kabuuang P1.768 bilyon ang nakumpiska ng mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), katuwang ang Philippine National Police (PNP), sa sabayang buy bust operation na kanilang isinagawa sa Quezon City at Cavite nitong Linggo.

Batay sa ulat ni PDEA Director General Wilkins Villanueva, unang naaresto sa buy bust operation ang suspek na si Cai Jia Zhu alyas Anson Chua, 41, ng Cuevas Ville Subdivision, Molino III, Bacoor, Cavite.

Ayon kay Regional Director Christian Frovaldo, ng PDEA-National Capital Region (NCR), alas-10:30 ng umaga (July 3) nang isagawa ang operasyon laban kay Chua sa Maria Clara St., sa Banawe, Quezon City.

Inaresto ang suspek at nakumpiskahan ng 40 kilo ng hinihinalang shabu na nagkakahalagang P272M, isang android phone, 2 COVID-19 vaccination ID; driver’s license at Toyota Corolla.

Samantala, dakong alas-11:30 ng umaga naman nang maaresto ang suspek na si Hai Lin, 41, sa kanyang tahanan sa Avida Residences, Santa Catalina, Molino-Paliparan Road sa Dasmariñas, Cavite.

Nakumpiska kay Lin ang 220 kilo ng hinihinalang shabu na nagkakahalagang P1.496 bilyon, 3 Android phone, 1 analog na telepono, IOS phone, isang COVID-19 vaccination ID at driver’s license.

Ang mga suspek ay nakapiit na at kapwa sasampahan ng mga kasong paglabag sa Republic Act 9165 o The Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. (Dolly B. Cabreza/Gene Adsuara/Kiko Cueto)

The post P1.7B shabu nasabat sa QC, Cavite first appeared on Abante Tonite.

Post a Comment

0 Comments