Shoplifter na bebot dinampot

Inaresto ang 29-anyos na dalaga nang tangkain nitong ipuslit ang limang piraso ng toothpaste sa isang mall sa Quezon City noong Sabado.

Kinilala ang suspek na si Judy Ann Loberes, walang trabaho, at residente ng No. 2056 Jasmine St., Brgy. 174, Camarin Caloocan City.

Sa report ng Pasong Putik Proper Police Station (PS-16) ng Quezon City Police District (QCPD), pasimpleng isinisilid ng suspek sa kanyang bag ang inumit niyang limang piraso ng Colgate nang maispatan ito ni Ariel Torne, security guard ng sangay ng SM Hypermarket store sa Quirino Highway, Brgy. Greater Lagro, Quezon City bandang alas-4:50 ng hapon.

Ayon sa reklamo ni Gena Guevarra, 30, at kahera ng SM Hypermarket store kay PCpl Jun Rey Correche, mabilis na lumabas ang suspek pero hinarang ito ni Torne at inaresto.

Narekober kay Loberes ang limang piraso ng Colgate Anticavity Toothpaste na nagkakahalaga ng P745.
Inihahanda na ang kasong theft laban sa dalaga. (Dolly Cabreza)

The post Shoplifter na bebot dinampot first appeared on Abante Tonite.

Post a Comment

0 Comments